Sa kanyang 2024 State of the Nation Address (SONA), binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga proyekto ng administrasyon na nakatuon sa pagpapabuti ng imprastruktura, lalo na sa pag-iwas at paglutas ng mga problema sa pagbaha. Isa sa mga pangunahing proyekto ay ang Flood Risk Management Project sa Cagayan de Oro River. Ang proyektong ito ay inaasahang makakapagbigay ng pangmatagalang proteksyon sa mahigit 600 ektarya ng lupa at makikinabang ang tinatayang 60,000 katao mula sa komunidad.
Maliban sa Cagayan de Oro, binanggit din ng pangulo ang proyekto sa Pampanga Bay, na may layuning bawasan ang panganib ng pagbaha sa lugar. Ang dalawang proyektong ito ay bahagi ng mas malawak na plano ng gobyerno upang protektahan ang mga komunidad mula sa mga natural na sakuna na dulot ng malalakas na ulan at pagbabago ng klima.
Sa nakalipas na dalawang taon, nakapagtayo na ang administrasyon ng mahigit 5,500 flood control projects sa buong bansa. Layunin ng mga proyektong ito na tugunan ang lumalalang mga epekto ng pagbabago ng panahon, kabilang na ang biglaang pagbaha at pagtaas ng tubig sa mga lugar na malapit sa mga ilog at baybayin.
Kasabay ng mga flood control projects, binanggit din ni Pangulong Marcos ang pagpapalakas ng Disaster Response Command Center na itinatag noong Enero 2024. Ang sentro na ito ang magsisilbing hub ng mga operasyon ng gobyerno sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad. Kabilang din dito ang pagtatayo ng mga evacuation centers sa iba’t ibang lugar sa bansa upang masiguro ang kaligtasan ng mga mamamayan sa panahon ng sakuna.
Ang administrasyon ay patuloy na nakatuon sa mga proyektong makakatulong sa pagsugpo sa mga pagbaha at proteksyon ng kalikasan, kasama na ang kampanya para sa kalinisan sa ilalim ng programang “KALINISAN sa Bagong Pilipinas.” Ang programang ito ay nagpapakilos ng mga barangay upang linisin ang kanilang mga komunidad at maiwasan ang pagbara ng mga daluyan ng tubig na nagiging sanhi ng pagbaha
WALANG PROGRAMA
Sa kongreso, ipinaliwanag ni Cong. Stella Quimbo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng komprehensibong flood control programs para sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas. Binanggit niya na hindi makakamit ng bansa ang layunin nitong maging upper-middle-income country kung hindi maayos ang problema sa pagbaha, na humahadlang sa mga pamumuhunan. Binigyang-diin niya ang pangangailangan ng pangmatagalang solusyon, at iminungkahi na unahin ang mga rehiyong tulad ng Metro Manila, na may malaking ambag sa GDP. Ayon kay Quimbo, mahalaga ang tuloy-tuloy na pagpapatupad ng mga flood control plans sa bawat administrasyon